Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group – Detective and Special Operations Unit (CIDG-DSOU) ang dalawang Chinese national sa isang buy-bust operation sa Parañaque City dahil sa pagbebenta ng hindi rehistradong gamot.
Ang nasabing operasyon ay alinsunod sa direktiba ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na paigtingin ang kampanya laban sa lahat ng krimen kabilang ang iligal na pagbebenta ng gamot na may dulot na panganib sa publiko.
Kinilala ang mga suspek na sina Hu at Quan, parehong residente ng Concorde Village, Tambo, Parañaque City. Batay sa intelligence report, kabilang umano ang dalawa sa isang grupo na nagbebenta ng unregistered medicines sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Nakumpiska sa operasyon ang iba’t ibang klase ng hindi rehistradong gamot na may kabuuang halaga na aabot sa P15,000.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9711 o ang Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009.
Nanawagan ang CIDG sa publiko na maging mapagmatyag at iulat ang anumang ilegal na pagbebenta ng gamot na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan. | ulat ni EJ Lazaro