Batid ng ibang mga partido ang bigat ng senatorial line up ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
“Mabigat ang kalaban dahil tingnan niyo muna – kung kikilatisin natin sila nang isa-isa, napakatingkad po ng mga record nila, napakaganda ng kanilang mga naging performance sa kanilang iba’t ibang inupuan na mga posisyon sa pamahalaan. Kaya’t isa-isa silang magaling pinagsama-sama pa natin silang lahat ay talagang nakakagulat na ang kanilang tibay at lakas.” —Pangulong Marcos.
Ito ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dahilan kung bakit hindi na niya ikinagugulat na kung ano-ano ang nasasabi ng ibang partido, sa pag-eendorso ng kanilang mga kandidato.
“Alam niyo po kung minsan nakikita natin ‘yung ibang partido, nagugulat sila, natatakot yata sila sa inyo dahil pagka nakita ang line up ng Alyansa eh kung ano-ano na ang sinasabi.” —Pangulong Marcos.
Sabi ng pangulo, kung ilalagay niya rin kasi ang kaniyang sarili sa posisyon ng ibang partido, makararamdam rin siya ng kawalang pag-asa na manalo, lalo’t mabigat ang mga kalaban mula sa Alyansa.
“Ngunit maintindihan mo rin, dahil kung ako nga ay nasa kabilang partido at itong mga ito ang kaharap natin ay naku baka – sasabihin ko mahirap na kampanya ito dahil mabigat ang kalaban.” —Pangulong Marcos.
Bukod kasi aniya sa kumpletong bilang ng kanilang mga pambato, subok na ang mga ito, hinasa na ng karanasan, alam na ang gagawin, malinis ang record, magaling, at mayroong angking husay.
“Narinig lang natin noong isang araw, wala daw pag-asa – siguro sa kanila wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 na senador. Eh talagang… Sabagay mahirap naman ‘yung ibang tao ang iniisip lang nila pagka – ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino. Nakakapagtaka kung bakit ganoon.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan