Pormal na inilunsad ang SkillsUpNet Philippines Phase 2 (SUN PH 2).
Ito ay programa ng Asian Development Bank (ADB) sa pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) at Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) para sa mga micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs).
Layon ng programa na matugunan ang mga hamon na kinakaharap sa skills development ng mga manggagawang Pilipino.
Pinangunahan nina ADB Country Director Pavit Ramachandran, DTI Secretary Maria Cristina Roque, at TESDA Secretary Jose Francisco Benitez ang paglagda sa Memorandum of Agreement sa isinagawang ceremonial signing sa Mandaluyong City.
Sa ambush interview kay Secretary Roque, sinabi nitong kailangang palakasin at paghusayin ang kakayahan at talento ng mga manggagawang Pilipino para makasabay sa iba’t ibang industriya sa Pilipinas man o sa ibang bansa.
Palalawakin pa ang sakop ng naturang programa upang maisama ang iba pang sektor kabilang ang creative industry, animation, agribusiness, renewable energy, logistics and supply chain, IT-BPM, at construction.
Maglalaan din ang programa ng grant mula ₱1 milyon hanggang ₱5 milyon para sa mga MSME na nais lumahok at makatanggap ng pondo para sa pagsasanay ng kanilang mga empleyado. | ulat ni Diane Lear