Dinipensahan ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ang pamahalaan mula sa mga pasaring ng dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa aksyon ng gobyerno para mapababa ang presyo ng bigas.
Giit niya sa nakaraang administrasyon, napagtibay ang Rice Tariffication Law pero wala naman naging suporta sa mga magsasaka.
Kaya aniya ngayon ang direksyon ay pagbibigay ng proteksyon hindi lang sa mga mamimili ngunit sa sektor ng agrikultura.
Tinukoy din niya ang deklarasyon ng food security emergency para mas mapababa ba ang presyo ng bigas.
“This is not just another policy announcement—this is a nationwide mobilization of resources to bring down the price of rice…At hindi ito puro pangako. May aktwal na ginagawa—may inilalabas na buffer stocks para mapigilan ang sobrang taas ng presyo,” giit ni Acidre.
Patuloy din aniya ang pag-iimbestiga ng Quinta Committee sa isyu ng smuggling at hoarding.
Diin niya, may pang-aabuso at pananamantala sa sistema kaya nauuwi sa pagtaas ng presyo ng bigas.
“The food crisis is not just about supply—it’s also about abuse in the system. May mga negosyanteng nananamantala, may mga hoarders, may mga smuggler na sumisira sa ating food security. Kaya ang Quinta Comm ay nagsasagawa ng malawakang imbestigasyon para tugisin ang mga ito,” sabi pa niya.
Paalala pa ng mambabatas, na hindi dapat ginagawang politika ang pagkain.
Hirit pa niya, na kung talagang may pakialam ang dating pangulo sa isyu ng bigas ay dapat tumulong na lamang ito kaysa manisi at manira
“Noong panahon mo, walang food security emergency declaration, walang konkretong solusyon sa presyo ng bigas. Tapos ngayon, ikaw pa ang matapang magsalita? Kung wala kang naitulong noon, ’wag kang humarang ngayon…Duterte’s comments are not just misleading—they’re irresponsible. Sa halip na manduro, bakit hindi siya tumulong? Bakit hindi niya sabihin sa anak niyang si VP Sara Duterte na mag-focus sa pagtulong kaysa sa pakikipag-away sa Kongreso?” sabi pa ni Acidre. | ulat ni Kathleen Forbes