Nagpahayag ng kumpiyansa si Deputy Majority Leader Lorenz Defensor, miyembro ng prosecution panel, na “guilty” ang magiging hatol ng Senate impeachment court kay Vice President Sara Duterte.
Ito aniya ay dahil sa bigat ng ebidensya na mayroon sila.
Katunayan nang tanungin kung gaano siya katiyak sa scale na 1 hanggang 10, kaniyang sinabi na para sa Article of impeachment na kaniyang hawak ay 10 ito.
Sa ngayon ay wala pa aniyang desisyon kung magkakaroon ng lead prosecutor.
Maaari din kasi na ang mga prosekutor ay humawak ng maraming artikulo.
“That’s possible. Pwede kami mag-crossover with other articles. Kasi pag tinignan mo, some of the articles are interrelated especially if the charge is betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, pwedeng tumawid ‘yun,” paliwanag niya.
Mas maigi rin aniya kung personal na tetestigo si VP Duterte sa paglilitis.
“I would prefer if she will testify. Pero kaya kong matapos ‘yung Article ko with or without the Vice President,” aniya.
Kamakailan ay inilabas ng Tangere ang resulta ng kanilang survey kung saan 73% ng mga Pilipino ang nagsabi na humarap ang Bise sa impeachment trial upang sagutin ang mga alegasyon sa kanya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes