Bukas si Senate President Chiz Escudero sa posibilidad na may magkuwestiyon sa pagtawid sa 20th Congress ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ng lider ng Senado ang pahayag matapos sabihing ang 20th Congress Senate na ang magsisimula ng impeachment trial laban kay VP Sara.
Una nang sinabi ni Escudero na pagkatapos pa ng state of the nation address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 21 masisimulan ang aktwal na paglilitis ng impeachment, dahil sa mga pagdadaanan pang pre-trial process.
Aminado ang senador, na unang beses mangyayari na tatawid sa susunod na Kongreso ang impeachment trial kaya naman maaari aniyang may magkuwestiyon ng proseso.
Gayunpaman, naniniwala ang mambabatas na hindi dapat madaliin ang paglilitis, at ang intensyon ng Saligang Batas ay ang matiyak na mareresolba ang kaso nang ganap at hindi bitin.
Inihalintulad rin ni Escudero ang magiging proseso ng impeachment court sa ginagawa ng mga collegial court kung saan magpalit man ng judge ay tuloy pa rin ang paglilitis ng kaso. | ulat ni Nimfa Asuncion