Binantayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kilos ng Chinese research vessel Landhigh 101 habang ito ay naglalayag pa-hilaga sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay PCG Spokesperson on the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, bagaman sumusunod ang barko sa protocol ng innocent passage, kaduda-duda ang kilos nito.
Tila may sinusukat ang nasabing Chinese research vessel, matapos mapanatili ang distansyang 23-24 nautical miles mula sa dulo ng territorial sea ng Pilipinas.
Sinabi ni Tarriela na halatang sinasadya ito, dahil mahirap mapanatili ang ganoong distansya, lalo na’t hindi isang diretsong linya ang dinadaanan nito.
Bukod dito, pinatay rin ng Chinese research vessel Landhigh 101 ang kanilang automatic identification system (AIS) at muli na lamang namataan sa Babuyan Island sa Batanes.
Nagpalipad naman ng sasakyang panghimpapawid ang PCG upang matiyak ang aktibidad ng Chinese vessels, dahil posible umanong may iligal na gawain ang mga ito, tulad ng pagtatayo ng istruktura, bukod pa sa pagpasok nila sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. | ulat ni DK Zarate