Ngayong huling araw ng sesyon ay tuluyan nang in-impeach ng Kamara si Vice President Sara Duterte.
215 kongresista ang lumagda sa 4th impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Higit ito sa 1/3 na lagda mula sa 306 na mambabatas na kinakailangan para dumiretso ang impeachment complaint sa Senado.
Batay sa reklamo, ang grounds para sa impeachment ay ‘culpable violation of the constitution’, ‘betrayal of public trust’, ‘graft and corruption’ at other high crimes.
Kasama sa articles of impeachment ang pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez at malversation ng P612.5 million confidential funds ng OVP at DepEd.
Itinalaga naman bilang miyembro ng prosekusyon sina representatives Gerville Luistro, Romeo Acop, Rodge Gutierrez, Joel Chua, Jil Bongalon, Loreto Acharon, Marcelino Libanan, Arnan Panaligan, Isabel Maria Zamora, Lorenz Defensor, at Jonathan Keith Flores.
Agad naman inatasan ang House Secretary General na i-transmit sa Senado ang naturang reklamo.
Ang naunang tatlong impeachment complaint na naihain na noong nakaraang taon ay ipapadala na sa archives.
Nasa kamay na ngayon ng Senado kung kailan sila magco-convene bilang impeachment court. | ulat ni Kathleen Forbes