Nakipagkasundo ang Maharlika Investment Corporation (MIC) sa Charoen Pokphand Group Co., Ltd. (CP Group) upang bumuo ng isang private equity fund na naglalayong makalikom ng hanggang $1 bilyon o humigit-kumulang P58 bilyon para sa mga pamumuhunan sa Pilipinas.
Layunin ng kasunduan na pasiglahin ang mga investment sa agrikultura, digital innovation, at renewable energy sa bansa.
Ang paglagda ng memorandum of understanding (MOU) nina MIC President at CEO Rafael D. Consing Jr. at CP Group Chairperson Soopakij Chearavanont ay ginanap sa Malacañang nitong weekend.
Ayon kay Consing ang partnership na ito ay magsisilbing pundasyon ng isang multisectoral investment initiative na magpapalakas sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya, at magpapatibay sa posisyon ng Pilipinas bilang isang premier investment destination.
Sakop ng pondo ang modernisasyon ng agrikultura upang mapatatag ang food security at value chains, pagpapalawak ng digital at e-commerce sa pamamagitan ng fintech adoption, at pagpapalakas ng renewable energy at green initiatives. | ulat ni Melany Valdoz Reyes