Arestado ng mga operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang dalawang indibidwal na empleyado ng JRB Travel and Consultancy Services Inc.
Ito ay matapos makarating ang sumbong sa pamunuan ng PAOCC ang reklamo ng dalawang asawa o partner ng mga dating POGO worker na hinihingan sila ng malaking halaga ng salapi ng dalawang suspek para mawala sa blacklist ng Bureau of Immigration ang kani-kanilang mga asawa.
Ayon kay PAOCC Executive Director Usec. Gilbert Cruz, nagsagawa sila ng entrapment operation sa naturang agency at dito na aniya tumambad sa kanila ang isang katerbang kwestunableng dokumento mula sa iba’t ibang ahensya ng Pilipinas.
Paliwanag ni Cruz, ito ang posibleng ‘missing link’ sa ginawang imbestigasyon ng Senado noong 2024 sa kaso ni Alice Guo kung saan ipinagtataka ng mga mambabatas kung paano nakakakuha ang mga dayuhan ng dokumento sa Pilipinas para itago ang tunay na pagkakakilanlan.
Dahil dito ay mahaharap sa patong-patong na kaso ang nasabing mga suspek gaya ng robbery extortion, usurpation of authority, estafa at grave coercion. | ulat ni Lorenz Tanjoco