Kinumpirma ni Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Secretary Mark Leandro Mendoza na nasa 70-75% ng priority measures ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naipasa na ng Kongreso.
Ito ay mga Legislative and Executive Development Advisory Council (LEDAC) bills at Common Legislative Agenda (CLA) o iyong mga maituturing na high-impact bills.
Ayon sa opisyal, ito ay resulta ng magandang koordinasyon sa pagitan ng majority at minority ng Kongreso.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Mendoza na mayroon na lamang ilang mga panukala ang hindi pa umuusad.
Habang ang ibang panukala naman, aprubado na subalit naubusan lamang ng oras ang Senado.
Dahil session break at abala sa kampanya ang mga kandidato, wala na aniyang maipapasa na LEDAC measure habang ang ibang bills naman ay posibleng muling ihain sa 20th Congress. | ulat ni Racquel Bayan