Lumagda ng makasaysayang kasunduan ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ang Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA) upang palakasin ang proteksyon at kapakanan ng mga Indigenous Peoples (IPs) at Non-Moro Indigenous Peoples (NMIPs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pinangunahan ng House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples, sa ilalim ng pamumuno ni Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang, ang paglagda ng memorandum of agreement (MOA).
Ang kasunduang ito ay bunga ng House Resolutions (HRs) 2005, 2205, at 2069.
Partikular na binigyang-diin ni Mangaoang ang mga Teduray-Lambangian IP, na hindi pa nakakasiguro ng kanilang ancestral domain rights sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Certificates of Ancestral Domain Title (CADT).
Binanggit din niya ang mga insidente ng karahasan laban sa mga NMIP, kabilang ang sapilitang pagsakop sa kanilang mga ancestral domain at target na pagpatay sa ilang pinuno ng NMIP, na naitala sa Maguindanao del Norte at del Sur noong 2023 at 2024.
Ayon naman kay NCIP Chairperson Jennifer Pia Sibug-Las, ang MOA ay patunay ng pag-iral ng hustisya, inclusivity, at equality sa BARMM. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes