Kinumpirma ni Department of Agriculture – Bicol spokesperson Lovella Guarin na naglaan ng kabuuang 38,600 sako ng bigas ang National Food Authority sa Bicol Region kasunod ng pagdeklara ng Food Security Emergency ng Department of Agriculture.
Ayon kay Guarin, mayroong alokasyon na 25,000 bags sa Camarines Sur, 10,000 bags sa Camarines Norte, 2,800 bags sa Sorsogon at 800 bags naman sa Masbate. Aniya, bawat sako ay naglalaman ng 50 kilo ng milled NFA rice.
Ang mga bigas na ito ay ibebenta sa mga lokal na pamahalaan at mga government-owned and controlled corporations o GOCCs sa presyong P38 kada kilo bilang bahagi ng pagsusumikap na mapanatili ang sapat na suplay ng bigas sa rehiyon.
Kasalukuyan nang mayroong 30,118 sako ng buffer stock ng bigas at mayroong 472,252 sako ng palay na nakaimbak sa mga bodega ng NFA sa rehiyon. | ulat ni Gary Carl Carillo | RP Albay