Photo courtesy of DPWH-Bicol
Isang makabagong tatlong-palapag na gusali ang itinayo sa Tabaco National High School sa Barangay Panal, Tabaco, Albay na magsisilbi hindi lamang isang pasilidad para sa edukasyon kundi pati na rin bilang isang evacuation center sa panahon ng sakuna.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol, ang bagong multi-purpose building (MPB) ay may lawak na 840 square meters at idinisenyo upang mapabuti ang edukasyong pang-imprastraktura at masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at residente.
Nagkakahalaga ng P29.7 milyon ang nasabing proyekto na napondohan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act at ipinatupad ng DPWH Albay 1st District Engineering Office.
Tampok sa bagong gusali ang modernong disenyo, red emergency staircases, mga silid-aralan, banyo, at electrical room. Mayroon din itong fire exit at isang roof deck na magagamit para sa recreational activities ng mga estudyante at komunidad. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP Albay