Isinusulong ngayon sa Kamara na atasan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sagutin ang lahat ng gastos ng mga mahihirap o kapos sa buhay na mga buntis, at makamit ang “No Balance Billing Policy” ng administrasyong Marcos Jr.
Ito ang nakapaloob sa House Bill 11414 o Expanded Maternity Care Package for Indigents and Financially Incapacitated Act, na inihain ni Representative Jose Teves Jr.
Ibig sabihin, PhilHealth na ang sasagot sa gastos ng pasyente pagdating sa antennal care, normal delivery man o cesarean section, at newborn care.
Sa kasalukuyan, P6,500 hanggang P20,000 lang ang sinasagot ng PhilHealth para sa mga miyembrong manganganak, at depende pa ito sa uri ng delivery.
Diin ng mambabatas, hindi na sapat ang halaga na ito para sa gastusin sa pre at post-natal health care services.
Punto pa niya, na sa kabila ng pinalawig na PhilHealth benefit package at sobra-sobrang pera ng state health insurer ay napag-iwanan ang iba pang health care components, gaya ng maternity care benefits. | ulat ni Kathleen Forbes