Pinangunahan ng Police Regional Office 5 katuwang ang Commission on Election kasama ang walong iba pang ahensya ng gobyerno ang Solidarity Pact Signing para sa 2025 National at Local Election (NLE) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Elections (BARMM PE) sa PRO5 Grandstand, Camp BGen Simeon A. Ola, Legazpi City, ngayong araw, February 5, 2025.
Dinaluhan ito ng 10 kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at sektor ng lipunan na nagkaisa upang palakasin ang kooperasyon at tiyakin ang isang malaya, tapat, at mapayapang halalan sa 2025.
Pangungunahan ng PNP Bicol ang pagpapatupad ng mga operasyon sa tulong ng COMELEC, pangangasiwa sa Emergency 911 hotline sa ilalim ng kanilang Regional Election Monitoring Action Center (REMAC) at presensya sa pamamagitan ng Motorcycle at Bicycle Patrols. Paglilinaw ng PNP Bicol, na bukod pa ito sa libu-libong COMELEC checkpoint at iba pang hakbang para sa papalapit na halalan.
Samantala, sinabi ni Department of Education – Bicol Director Gilbert Sadsad na kasalukuyan nang isinasailalim sa pagsusuri at pagsasanay ang nasa 30,000 guro na magsisilbi sa eleksyon.
Sa kanilang Solidarity Pledge, nangako ang mga lumahok na pangangalagaan ang integridad ng halalan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kapayapaan, pagsunod sa batas, at pagtatakwil sa maling impormasyon na maaaring magdulot ng hidwaan sa bansa.
Ipinahayag din sa panunumpa ang pagkakaisa ng lahat ng Pilipino anuman ang relihiyon at kultura, upang matiyak na maririnig ang tinig ng bawat isa sa proseso ng eleksyon.
Ang nasabing seremonya ay isang patunay ng pagkakaisa ng sambayanan sa pagpapanatili ng demokratikong halalan bilang salamin ng lakas at pagkakaisa ng mga Pilipino. | ulat ni Gary Carl Carillo | RP Albay