Giniit ni Senate President Chiz Escudero na walang magiging epekto sa gagawing imeachment trial ng Senado laban kay Vice President Sara Duterte ang rekomendasyon ng NBI na sampahan ng kasong kriminal ang bise presidente dahil sa naging pagbabanta nito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Katunayan, ayon kay Escudero, pwedeng magsabay ang paglilitis ng naturang kaso sa korte at ang impeachment trial dahil wala itong kinalaman sa isa’t isa.
Pinaliwanag rin ni Escudero na kung sakaling gumulong ang pagdinig sa kaso ay hindi kusang hihingin ng impeachment court ang mga ebidensya at mga testimonyang iprepresenta ng NBI.
Pinunto ng Senate President na ang impeachment court ay isang passive body, ibig sabihin ay wala silang ibang gagawin.
Trabaho na aniya ng prosecution o ng defense team sa impechment trial kung gagamitin rin nila ang ebidensyang hawak ng NBI. | ulat ni Nimfa Asuncion