Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nakabalik na ng bansa at sumuko na sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si retired Police Lt. Gen. Benjamin Santos.
Si Santos ay una nang napaulat na lumabas ng bansa matapos masangkot sa 990 kilos ng shabu na nasabat sa ikinasang raid ng PNP Drug Enforcement Group sa Maynila noong 2022.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director at concurrent PNP Spokesperson, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, mag-a-alas-5 kaninang umaga nang dumating sa NAIA Terminal 1 si Santos na dating nagsilbi bilang Deputy Chief PNP for Operations.
Personal siyang sinalubong ni CIDG Director, Police Brig. Gen. Nicolas Torre III at doo’y inihain sa kay Santos ang Warrant of Arrest dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 at isinailalim na rin sa booking procedure.
Agad naman dinala si Santos sa Manila Regional Trial Court (RTC) para isauli ang warrant at doon ay pinalaya rin matapos maglagak ng piyansa.
Magugunitang kabilang si Santos sa 30 pulis na inakusahang sangkot sa pagtatanim ng ebidensya na nag-ugat sa ikinasang buy-bust operation sa isang lending office sa Tondo.
Dahil sa pagsuko ni Santos, bumaba pa sa pito ang mga tauhan ng PNP na sangkot sa kaso at may outstanding warrant of arrest na kasalukuyan pa ring tinutugis ng mga awtoridad. | ulat ni Jaymark Dagala