Binahagi ni Senador JV Ejercito na tila malamig ang mga senador sa mungkahi na magkaroon ng special session para matalakay ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Pinaliwanag ni Ejercito na kalahati kasi sa mga kapwa niya senador ay abala na sa pangangampanya.
Hindi aniya masisisi ang mga ito dahil ang kanilang political survival ang nakasalalay.
Sa tingin rin ni Ejercito, tama lang na hindi dapat madaliin ang pagsasagawa ng impeachment trial dahil magiging problema pa aniya kung paanong makukumpleto ang mga senador ngayong sila ay naka-campaign break.
Kabilang sa mga reelectionist senator sina Senadora Pia Cayetano, Senador Lito Lapid, Senador Bong Revilla, Senadora Imee Marcos, Senate Majority Leader Francis Tolentino, Senador Bong Go at Senador Bato dela Rosa.
Habang tatakbo naman sa mga lokal na posisyon sina Senadora Cynthia Villar, Senador Koko Pimentel at Senadora Nancy Binay. | ulat ni Nimfa Asuncion