Hinikayat ni Senate Committee on Games and Amusement Chairman Senador Mark Villar ang mga otoridad na silipin ang anggulo ng inside job kaugnay ng pag-iisyu ng mga Philippine government documents sa mga dayuhan sa bansa.
Sa pagdinig noong February 13, Huwebes, partikular na tinukoy ni Villar ang raid kamakailan ng PAOCC nitong February 4 kung saan natuklasan na isang travel agency na nagbibigay ng mga pekeng dokumento, gaya ng mga birth certificate at passport, sa mga foreign nationals na gamit pa ay mga Filipino name.
Lumitaw rin sa pagdinig na ilang mga dayuhang POGO worker ang nakakakuha ng pekeng mga dokumento sa tulong ng mga travel at visa consultancy agencies.
Kaya naman pinasisilip ng senador ang posibilidad na may koneksyon ang mga travel agencies na ito sa loob ng mga ahensya ng gobyerno
Sinabi naman ng PAOCC na may iniimbestigahan pa sila ngayong 21 banned travel agencies na ang modus ay gumawa ng mga government IDs na maaaring ginagamit ng mga POGO workers.
Umaasa naman si Villar na matutunton ng mga otoridad ang source ng ganitong modus. | ulat ni Nimfa Asuncion