Maaari mang magkaroon ng special session ang kongreso kahit naka-session break, binigyang diin ni Senate President Francis Escudero na hindi naman ito pwedeng gamitin para buuin ang impeachment court.
Ito ang tugon ni Senate President Escudero sa posibilidad na magkaroon ng special session para dinggin ang impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Matatandaang una nang sinabi ng senate leader na hindi maaaring mag-convene ang impeachment court nang hindi dumadaan sa plenaryo ng senado ang reklamo.
Kinikilala naman aniya ni Escudero na maaaring magpatawag ng special session si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Gayunpaman, binigyang diin ng senador na ang pagpapatawag ng special session ay para sa mahahalagang bagay at panukalang batas na kailangang ipasa.
Base aniya sa nakasaad sa saligang batas ng Pilipinas ay hindi sakop ng pagpapatawag ng special session ang pagpapa-convene ng impeachment court. | ulat ni Nimfa Asuncion