Magsisilbing staging area para sa humanitarian aid at disaster relief ng United States Marine Corps ang Subic Bay Freeport matapos nitong buksan ang isang warehouse facility sa Naval Supply Depot.
Ayon sa commanding officer ng Blount Island Command na si Col. Luke Watson, ang bagong warehouse ay magpapahintulot sa kanila na maiposisyon nang maaga ang mga kagamitan para sa humanitarian aid at disaster relief sa Indo-Pacific region.
Pinangunahan nina US Marine Corps Col. Luke Watson at mga opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang ribbon-cutting ceremony ng pasilidad na gagamitin bilang imbakan ng US Marine Corps.
Plano ng Blount Island Command na mag-imbak ng humanitarian aid at disaster relief equipment sa Subic Bay Freeport para sa Indo-Pacific region.
Samantala, nagpahayag ng buong suporta si SBMA Chairperson at Administrator Eduardo Jose L. Aliño sa pagpasok ng mga kagamitan sa Subic Bay Freeport.
Dagdag pa niya, ang Subic Bay Freeport ay isa sa mga pinaka-istratehikong lugar upang maghatid ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng Indo-Pacific region, lalo na’t kilala na ito bilang logistics hub para sa maritime at aviation industry ng bansa.
Ang Blount Island Command, na nakabase sa Jacksonville, Florida, ay ang sentro ng US Marine Corps prepositioning programs, kabilang ang afloat squadrons at ashore sites. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes
