Nagpaabot ng pasasalamat ang ilan sa lider ng Kamara sa mainit na suportang ipinakita ng mga Waray kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial bets sa kanilang pangangampanya sa Leyte nitong Biernes.
Sa pagtaya ng Tacloban City police, aabot sa 100,000 ang dumalo sa APBP rally sa Tacloban City.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, ang pagkakaisang ipinakita ng Eastern Visayas ay patunay na buo ang suporta ng rehiyon sa liderato ni Pangulong Marcos Jr.
“Hindi lang ito isang rally—ito ay isang paninindigan na ipagpapatuloy natin ang mga repormang magpapalakas sa ating ekonomiya at magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino,” paglalahad ni Romualdez
Paghimok ng House leader sa mga botante na suportahan ang buong Alyansa slate na siyang tutulong sa Pangulo para mapabilis ang progreso ng bayan.
“Ang mga kandidatong ito ay maaasahang magpapatuloy ng reporma ni Pangulong Marcos. Ang boto natin para sa kanila ay boto para sa mas maraming trabaho, mas magandang edukasyon, at mas maayos na serbisyong pampubliko,” dagdag niya.
Maging si Assistant Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre ay nagpasalamat sa mga kapwa Taclobanon at Leyteño sa ipinakitanhlg suporta para sa Alyansa.
Panawagan niya na kanilang pagtulungan na magkaroon ng mga katuwang sa Senado ang Pangulong Marcos para ganap na matupad ang kanyang hangarin para sa isang Bagong Pilipinas, kung saan walang Pilipinong maiiwan.
Dagdag niya na hindi na nakakapagtaka ang maigting na suporta dahil itinuturing nila bilang kababayan si PBBM lalo at ang kaniyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos, ay tubong Leyte.
“We are committed to a large majority of the votes in Leyte to the President’s candidates,” saad ni Acidre. | ulat ni Kathleen Forbes