Kapwa pinatay sa sakal gamit ang lubid ang negosyanteng si Anson Que gayundin ang driver nito na si Armanie Pabillo.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Region 3 Director at concurrent Spokesperson, PBGen. Jean Fajardo matapos na lumabas ang autopsy report ng dalawa.
Bukod dito, sinabi ni Fajardo na walang senyales ng torture o iba pang uri ng pananakit na ginawa sa mga biktima.

Samantala, kinumpirma naman ni Fajardo na posibleng sa linggong ito ay maisampa na nila ang reklamo laban sa “mga” posibleng mastermind sa krimen.
Gayunman, matipid ang mga ibinibigay na detalye ni Fajardo hinggil dito dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.
Ang malinaw ani Fajardo, kidnapping for ransom with homicide ang kanilang isasampang reklamo laban sa mga nasa likod ng krimen at titiyakin nilang matibay ang mga hawak nilang ebidensya. | ulat ni Jaymark Dagala