Kinumpirma ni Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Erwin Garcia na ilalagay na rin sa kontrol ng COMELEC ang bayan ng Cabuyao sa lalawigan ng Laguna.
Ayon sa Poll chief, may pinasok na silang compound sa naturang bayan upang alamin ang mga alegasyon ng vote buying.
Sinabi ni Garcia na isinilbi ang Show Cause Order ng komite ng kontra-bigay upang pagpaliwanagin ang mga kandidatong sangkot. Umaasa aniya siya na sa pamamagitan ng kautusan ay titigil na ang mga nagsisigawa ng pamimili ng boto. Kung sakali aniyang hindi titigil ay hindi sila tatantanan ng COMELEC.
Samantala, umarangkada na rin ang Local Absentee Voting (LAV) sa punong tanggapan ng COMELEC kung saan nagsiboto na ang ilang opisyal at mga kawani.
Ayon kay Garcia, sa May 12 isasabay ang pagbilang sa Local Absentee Voting sa national at local elections.
Tiniyak ni Garcia na matatapos ang bilangan ng absentee voting sa gabi ng May 12.
May paalala naman si Chair Garcia sa mga botante tungkol sa kumakalat na report na paglalagay ng indelible ink isang araw bago ang halalan.
Hinikayat ni Garcia ang mga botante na huwag magpapalagay ng ink sa hintuturo dahil hindi na sila makaboboto. | ulat ni Lorenz Tanjoco