Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga mananampalataya na ipagdasal ang kaluluwa ng yumaong Santo Papa Francisco, at ipagpatuloy ang kaniyang panawagan para sa isang Missionary Synodal Church.
Ayon kay CBCP President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, si Pope Francis ay isang pastol na piniling makiisa sa mga nasa laylayan ng lipunan—hindi natakot sa alikabok ng kalsada, at mas piniling lumapit sa mga naiiwan.
Binanggit ni Cardinal David ang mahahalagang aral ng Santo Papa sa mga dokumentong Evangelii Gaudium at Fratelli Tutti na humihikayat sa simbahan na maging bukas, mapakinig, at mapagmalasakit—lalo na sa mga dumanas ng kahirapan at pagtatakwil.
Sa Laudato Si at Laudate Deum o praise be to you my god, itinuro ni Pope Francis ang pananagutan ng tao sa kalikasan bilang tahanang iniwan ng Diyos para sa susunod na salinlahi.
Matatandaang sa kanyang pagbisita sa Pilipinas noong 2015, emosyonal niyang tinugon ang tanong ng isang batang Pilipina tungkol sa paghihirap sa mundo—at inalala ito ni Cardinal David bilang patunay ng malalim na damdamin at malasakit ng Santo Papa.
Inaabangan ang paglalakbay nina Cardinal David at Cardinal Advincula patungong Roma para sa libing ni Pope Francis, kasama si Cardinal Luis Antonio Tagle. | ulat ni Lorenz Tanjoco