Nagpaalala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga Pilipinong Katoliko na iwasang ikampanya si Cardinal Luis Antonio Tagle na susunod na Santo Papa.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Public Affairs Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, nasa kamay ng cardinal electors sa gaganaping conclave ang pasya sa kung sino ang susunod na lider ng Simbahang Katolika.
Magdudulot kasi aniya ang mga ganitong pahayag ng publiko ng impresyon na maaaring maimpluwensiyahan ang conclave kung mahalal bilang Pope si Cardinal Tagle.
Ayon kay Fr. Jerome na tagapagsalita rin ng Archdiocese of Manila, mahalaga na igalang ang kalayaan ng cardinal electors sa kanilang pagdedesisyon.
Ang magagawa aniya ng mga mananampalataya ay ipagdasal si Cardinal Tagle at iba pang boboto sa darating na conclave.
Ang conclave ay sagradong pagtitipon ng mga kardinal para pumili ng bagong Santo Papa oras na magbitiw sa pwesto o pumanaw ang kasalukuyang nanunungkulan. | ulat ni DK Zarate