Sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy ang pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa smuggling at iba pang uri ng organisadong krimen, lalo na sa mga pangunahing baybayin sa bansa.
Sa isang matagumpay na seaborne patrol operation, naharang ng Zamboanga del Sur Maritime Police Station ang isang motorized banca sakay ang anim na katao na hinihinalang sangkot sa pagpupuslit ng mga sigarilyo. Ang operasyon ay isinagawa dakong 2:35 ng madaling araw noong Abril 19, 2025, sa karagatang bahagi ng Tambunan, Tabina, Zamboanga del Sur.
Nasamsam sa operasyon ang 110 master cases ng Fort brand smuggled cigarettes na may tinatayang halagang PHP6,303,000. Bukod dito, nakumpiska rin ang isang motorized banca na nagkakahalaga ng PHP120,000 at isang Mitsubishi engine na tinatayang nasa PHP100,000—na may kabuuang halaga ng mga nasabat na kontrabando na umaabot sa PHP6,523,000.00.
“Hindi lang ito basta paghuli ng smugglers—ito ay tungkol sa pagprotekta ng ating mga karagatan at siguraduhing ligtas ang ating mga kababayan, lalo na’t papalapit na ang 2025 elections,” ani PNP Chief Police General Rommel Francisco D. Marbil. “Muli na namang ipinakita ng ating Maritime Group ang kanilang dedikasyon sa kanilang mandato. Sa tulong ng komunidad, patuloy tayong lalaban sa mga ilegal na gawain sa ating karagatan.”
Ang operasyon ay bahagi ng paghahanda ng PNP sa 2025 National and Local Elections (NLE), BARMM Parliamentary Elections (BPE), at ng kampanyang “Ligtas SUMVAC 2025.”
Para sa buwan ng Abril pa lamang, nakasabat na ang Maritime Group ng 317 cases, 27,474 packs, 3,168 reams, at 3 kahon ng smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng Php22,749,289.00 sa iba’t ibang operasyon sa buong bansa—patunay ito ng pinaigting nilang maritime patrols at patuloy na pagbabantay laban sa ilegal na kalakalan. Sa mga operasyong ito, 31 katao rin ang naaresto na sangkot sa smuggling activities.
Ang mga suspek at mga nakumpiskang kontrabando ay nasa kustodiya na ng Zamboanga del Sur MARPSTA para sa masusing imbestigasyon at tamang proseso.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad, lalo na sa mga coastal communities. Ang laban kontra smuggling ay hindi lamang laban ng kapulisan, kundi responsibilidad ng bawat mamamayan.