Ipinag-utos na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa National Food Authority (NFA) na simulan ang repositioning ng supply ng bigas sa Visayas bilang paghahanda sa paglulunsad ng Php 20-per-kilo rice program.
Nakakuha na ang DA ng clearance mula sa Commission on Elections (COMELEC) upang ilarga ang P20/kilo program.
Ayon kay Tiu Laurel, ang bigas sa inisyatibang ito ay magmumula sa reserbang bigas ng NFA na nitong nakalipas na linggo ay umabot na sa five-year high na 378,157 metric tons, katumbas ng 7.56 milyong sako ng bigas.
Sapat na ito upang pakainin ang lahat ng mga Pilipino sa loob ng sampung araw.
Sa mga warehouse pa lamang ng NFA sa Iloilo ay mayroon nang katumbas na 862,409 sako ng bigas.
Sinabi naman ni NFA Administrator Larry Lacson na kailangang dalhin ang mga bigas mula sa Mindoro upang mapunan ang mga lugar na limitado ang produksiyon ng bigas, tulad ng Cebu, Negros Island, Samar, at Leyte.
Napili ang Visayas bilang pilot run para sa P20-per-kilo rice program dahil sa mataas kaysa average na antas ng kahirapan, na lagpas sa national average na 10.9%.
Sa ilang rehiyon gaya ng Negros Island at Eastern Visayas, ang poverty rate ay higit pa sa doble — 22.6% at 20.3%. | ulat ni Rey Ferrer