Palalakasin ng Department of Information and Communications Technology ang pagtugon sa mga naglipanang fake news at cyber crime sa bansa.
Kasama ito sa tinalakay ni DICT Secretary Henry Aguda sa kaniyang unang Executive Committee (ExeComm) meeting bilang Chair ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Ayon sa kalihim, itutulak nito ang mga inisyatibang nakasentro sa “Good Vibes sa Internet” na layong lumikha ng mas ligtas at mapagkakatiwalaang online environment sa bawat Pilipino.
Plano ng DICT na makipagtulungan sa social media platforms, law enforcement, at civil society para mapigil ang pagkalat ng mga maling impormasyon online.
Bukod sa fake news, tututukan din ni Sec. Aguda ang lumalalang banta ng cyber-terrorism.
Sa ilalim ng “Good Vibes sa Internet” policy, maglalabas ng hiwalay na Policy Statement sa Cyber-Terrorism ang CICC na layong tukuyin ang ilang cybercrimes na pasok sa cyber-terrorism.
“Cybercriminals must be held accountable with the full force of the law. We are taking a strong stance to ensure that the digital space is no place for fear, fraud, or extremism,” ani Aguda. | ulat ni Merry Ann Bastasa