Photo courtesy of Philippine Ports Authority
Tungo sa panibagong yugto ng pag-unlad sa Visayas, isinagawa ng Department of Transportation (DOTr) at Philippine Ports Authority (PPA) ang sunod-sunod na pagbisita at inspeksyon sa mga pangunahing port development project sa rehiyon.
Ayon sa PPA, layunin nito ang pagpapalakas ng regional connectivity at pagbubukas ng mga bagong oportunidad sa negosyo, turismo, at ekonomiya.
Pinangunahan ni PPA General Manager Jay Santiago ang inspeksyon sa Port of Banago Improvement Project sa Bacolod City, isa sa pinakamalalaking proyekto ng ahensya sa Negros Island Region.

Nakatakda itong makumpleto sa katapusan ng Hunyo at inaasahang magiging sentro ng mas episyente at modernong serbisyo para sa mga pasahero at kargamento sa rehiyon.
Ayon kay Santiago, ang port development ay hindi lang tungkol sa istruktura dahil ito’y nakatuon din sa pagbubukas ng mga pinto para sa mas maayos na buhay ng bawat Pilipino.
Sa pamamagitan aniya ng mga modernong pantalan, inilalapit ng PPA ang maraming oportunidad para sa iba’t ibang mga rehiyon sa Pilipinas tungo sa sama-samang pag-unlad alinsunod na rin sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bahagi ng proyekto sa Banago ang pagpapalawak ng Roll-on/Roll-off (RoRo) marshalling yard na kasya sa 50 trucks, pagpapalapad ng kalsada sa apat na lanes, at pagtatayo ng tatlong palapag na Port Operations Building.
Giit ng PPA na sa pakikipagtulungan nila sa DOTR, ang mga bagong pantalan at terminal sa Visayas ay inaasahang magiging bagong daluyan ng pag-unlad, hindi lamang para sa rehiyon kundi para sa buong bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco