Nakaalerto na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at handang tumulong sa mga Bicolano sakaling magpatuloy at lumala ang pag-aalburoto ng Bulkang Bulusan.
Sa ngayon, may mahigit 180,000 family food packs (FFPs) ang nakahanda na sa DSWD Field Office 5–Bicol Region.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, mahigit 25,000 kahon ng FFPs ang nakaposisyon na rin sa lalawigan ng Sorsogon at handa nang ipamahagi sa mga pamilyang maaapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
Magtutungo rin aniya sa mga apektadong lugar si DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio para personal na alamin ang kalagayan ng mga residente at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) para sa pagbibigay ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.
Batay sa inisyal na ulat, ang mga bayan ng Juban, Irosin, at Casiguran ang unang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Bulusan.
Bagamat wala pang inirerekomendang paglikas, naghahanda na rin ang DSWD Field Office para masigurong maayos ang pagbibigay ng tulong sa mga maaapektuhang pamilya.
Kasunod nito, nanawagan naman ang DSWD sa publiko na manatiling kalmado at makipagtulungan sa kanilang mga lokal na tanggapan ng disaster risk reduction and management. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸 DSWD