Naglaan ang Department of Social Welfare and Development Field Office V (DSWD Bicol) ng kabuuang ₱220,457,441.75 na halaga ng relief resources bilang bahagi ng paghahanda sa maaapektuhan ng pagputok ng Bulkang Bulusan, ngayong araw, Abril 28, 2025.
Batay sa datos ng DSWD, kabilang sa nakahandang ayuda ang 180,838 family food packs (FFPs) at 28,272 non-food items (NFIs). Mayroon ding ₱789,114.40 standby funds na nakalaan para sa agarang operasyon kung kinakailangan.
Kabilang sa mga non-food items ang 9,221 family kits, 1,552 sleeping kits, 5,861 hygiene kits, 5,245 kitchen kits at 6,393 iba pang non-food items
Ayon sa DSWD Bicol, ang mga resources na ito ay bahagi ng paghahanda ng Disaster Response Management Division (DRMD) upang masiguro ang mabilis na pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente at suporta sa mga lokal na pamahalaan sakaling lumala ang sitwasyon.
Nagpaalala rin ang ahensya sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad kaugnay sa kondisyon ng Bulkang Bulusan.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga lokal na disaster risk reduction and management councils para sa mas maayos na pagtugon sa anumang emergency. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
📸 DSWD Bicol