Pumalo na sa 2.2 million bags ng palay ang nabili ng National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka sa unang quarter ng 2025.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson, na tuloy-tuloy ang pamimili ng mga palay mula sa mga farmer cooperative at asosasyon.
Kaugnay nito, nagpatupad aniya sila ng fast lane program para sa maliliit na magsasaka.
Kung dati ay hanggang 50 bags lamang pababa ang binibili ng NFA sa maliliit na magsasaka, sa kasalukuyan, iniakyat na ito sa 70 bags.
“Ito po’y buong Pilipinas, except for NCR at saka a little sa Region VII kasi wala talaga silang production noon.” —Lacson
Ito aniya ay upang ma-accommodate pa ang mas marami nilang ani at ma-engganyo pa ang mas maraming magsasaka na magbenta ng kanilang produkto.
“Opo, marami pa po tayong pambili dahil nakaka-2.6 billion pa lamang po tayo. Ang ibinigay po sa atin ng gobyerno ay 9 billion at inuubos pa rin po natin iyong kaunting natira last year.” —Lacson | ulat ni Racquel Bayan