Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos ipag-utos ang pagsisimula ng pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo sa mga rehiyon ng Western, Central, at Eastern Visayas simula sa susunod na linggo.
Kasunod ito ng naging pulong sa pagitan ng Pangulo at 12 governor ng Visayas sa Cebu, at inaasahan na ipagpatuloy ang programang ito sa buong bansa hanggang 2028.
Ayon kay Romualdez, ang hakbang na ito ay isang konkretong pagsasakatuparan ng pangarap para sa abot-kayang bigas para sa bawat pamilyang Pilipino.
Kung dati ay umaabot aniya sa ₱60 ang kada kilo ng bigas, ngayon ay nasa ₱35 hanggang ₱39 na lang sa ilang pamilihan. Ngayon, abot-kamay na ang ₱20 kada kilo.
“Simula pa lang ito. Gagawin nating alaala, kasaysayan na lang ang mahal na bigas. Sa tulong ng whole-of-government effort, masusundan ito hanggang maabot ng programa ang bawat sulok ng bansa,” saad niya.
Nagpasalamat din si Romualdez sa mga lokal na pamahalaan sa Visayas na nakikiisa sa pagbibigay ng subsidiya, katuwang ang pambansang pamahalaan na isa aniyang malinaw na halimbawa ng “bayanihan economics.” | ulat ni Kathleen Forbes