Dumating na sa Tien Sa Port sa Da Nang City, Vietnam ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Gabriela Silang kahapon, Abril 14, para sa huling yugto ng kanilang Tri-Country Port Visit.
Ito ang kauna-unahang opisyal na pagbisita ng isang barko ng PCG sa Vietnam, na layong patatagin ang ugnayan sa Vietnam Coast Guard kasunod ng Memorandum of Understanding sa Maritime Cooperation na nilagdaan noong Enero 2024.
Pinangunahan ni Captain Eleizer Ibarrientos ang delegasyon ng PCG na mainit na sinalubong ng mga opisyal ng Vietnam Coast Guard. Bahagi ng tatlong araw na port visit ang mga courtesy call, ship tour, palitan ng kaalaman, sports activities, at isang joint search and rescue exercise.
Layunin ng pagbisitang ito na paigtingin ang maritime cooperation sa rehiyon at pagtibayin ang pagkakaisa ng mga bansa sa ASEAN. | ulat ni Lorenz Tanjoco