Kinumpirma ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. na paparating na sa Pilipinas ang ikalawang batch ng BrahMos supersonic cruise missile systems mula sa India.
Sa ambush interview sa Mandaluyong City, sinabi ni Teodoro na dati nang may order ang bansa na tatlong cruise missiles sa India noong 2022.
Nabatid naman noong June 2024 dumating ang unang batch ng BrahMos batteries sa bansa na may shore defense capabilities at may kakayahang tumarget sa layong 290 hanggang 400 kilometro.
Bukod dito, kilala ang armas na ito na mas mabilis pa sa ’speed of sound’ na dinevelop ng isang Indian-Russian company.
Gayunman, hindi nabanggit ni Teodoro ang petsa ng pagdating nito at kanila pa aniyang pag-aaralan kung saan ito ilalagay.
Samantala, inihayag naman ni Teodoro na kasalukuyan pa rin silang naghihintay ng pormal na proposal kaugnay ng planong pagbili ng mga F-16 fighter jet mula sa Estados Unidos. | ulat ni Diane Lear