Nakikiisa rin sa pagdadalamhati ang ilan sa mga Katoliko sa Parish of the Lord of Divine Mercy sa Quezon City, kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis na kilala rin bilang si Lolo Kiko.
Sa naturang simbahan, nag-alay ng kandila at bulaklak ang parokya sa larawan ni Pope Francis.
Naka-display ito malapit sa altar ng simbahan kung saan ilang mananampalataya ang nag-aalay ng dasal.
Sa panayam naman ng RP1 team, emosyonal na inalala ng ilang deboto ang kanilang karanasan nang bumisita sa bansa noong 2015 si Pope Francis.
Kabilang rito si Elsa na hindi raw makakalimutan ang sulyap at kaway ni Pope Francis nang magtungo ito sa UST.
Habang si Roldan, inalala ang malasakit ni Lolo Kiko sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte.
Una nang hinikayat ng Cubao Diocese ang mga parish church na mag-alay ng special intentions at dasal sa kanilang mga misa, para kay Pope Francis. | ulat ni Merry Ann Bastasa