Hinikayat ng Cubao Cathedral ang publiko na makiisa sa gagawing misa kaugnay sa pagyao ni Pope Francis ngayong araw.
Sa inilabas nitong abiso, isasagawa ang misa sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao mamayang alas-6 ng gabi na pangungunahan mismo ni Cubao Bishop Most Reverend Elias Ayuban Jr.
Dito, inaanyayahan ang lahat ng mananampalataya na makiisa sa panalangin at paggunita sa Mahal na Santo Papa, na ang buhay ng paglilingkod, habag, at matatag na pananampalataya ay nagbigay-inspirasyon sa milyun-milyong tao sa buong mundo.
Una na ring pinatunog ang kampana at inilagay sa half mast ang watawat ng Pilipinas at watawat ng Vatican sa Cubao Cathedral bilang tanda ng pagdadalamhati sa pagpanaw ni Pope Francis, ang ika-266 na Kataas-taasang Pinuno ng Simbahang Katolika. | ulat ni Merry Ann Bastasa