Sinabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na posibleng ipatawag sa pagdinig ng Senado ang itinuturong kumpanyang binayaran ng Chinese Embassy para magpakalat sa social media ng mga naratibong sumusuporta sa China kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea.
Tinutukoy ng senador ang kumpanyang Infinitus Marketing Solutions Inc., na una na niyang isiniwalat sa nakaraang pagdinig ng Senate Special Committee on Philippine Admiralty and Martime Zones na binabayaran ng Chinese Embassy para maging ‘keyboard warriors’ nila.
Ibinahagi rin ng mambabatas na sa ngayon ay nag-offline na ang official website at Facebook ng Infinitus matapos maisiwalat ang isyu.
Pinuri rin ni Tolentino ang pagkondena ng Public Relations Society of the Philippines (PRSP) sa anila’y mapanlinlang na paggamit ng fake trolls ng isa nilang kasamahan sa industriya.
Samantala, aminado naman si Tolentino na hindi niya maipapatawag sa Senate hearing si Chinese Ambassador Huang Xilian dahil may diplomatic immunity ito.
Pero pwede pa rin aniyang ipatawag at pagpaliwanagin ni DFA Secretary Enrique Manalo si Huang tungkol sa isyu. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion