Ipinakalat na ng Police Regional Office 3 ang nasa mahigit 1 libong tauhan nito bilang bahagi ng pagpapaigting ng seguridad para sa mga Semana Santa.
Ayon kay Central Luzon Police Director, PBGen. Jean Fajardo, kaniyang ipinag-utos ang maximum deployment sa rehiyon at kanila na ring pinagana ang iba’t ibang support units para tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Inaasahan kasi ang pagdagsa ng mga biyahero sa mga terminal gayundin ang mga deboto sa mga simbahan na magsasagawa naman ng pilgrimage partikular na sa Huwebes at Biyernes Santo.
Katuwang ng Central Luzon Police ani Fajardo ang mga force multiplier gaya ng Barangay Peacekeeping Action Teams at mga local radio communication groups upang matiyak ang mabilis na pagresponde sa oras ng emergency.
Nagsimula ang deployment ng mga kahapon, Linggo ng Palaspas at magtatagal naman hanggang sa Easter Sunday. | ulat ni Jaymark Dagala