Sa pamamagitan ng isang video message ay naglabas ng emosyonal na pahayag si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez bilang tugon sa pagpanaw ni Pope Francis, na minsang bumisita sa lungsod matapos tamaan ng Super Typhoon Yolanda.
Ayon kay Mayor Romualdez, malaki ang naging papel ng Santo Papa sa pagbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa mga Taclobanon sa panahon ng matinding pagsubok.
“Maraming, maraming salamat sa pagpunta ninyo sa Tacloban City after the typhoon Yolanda. You gave us hope, inspiration, and most of all, you cared for us. There are not enough words to express our gratefulness and thankfulness. But you will always be remembered,” saad ni Romualdez.
Dagdag pa niya, hindi kailanman malilimutan ng mga Taclobanon ang pagmamahal at malasakit na ipinakita ng Santo Papa.
Paghimok pa ng alkalde na hindi kakalimutan at patuloy na alalahanin ng mga Taclobanon ang mga salitang iniwan ni Pope Francis.
Mananatili aniya ang Santo Papa sa kanilang mga puso at lagi aniya nila siyang aalalahanin.
12:00 PM naman ay isang requiem mass ang idinaos sa Palo Cathedral bilang pakikiisa pa rin sa pagpanaw ng Santo Papa.
Pinangunahan ito ni Palo Archbishop Most Rev. John F. Du, D.D. | ulat ni Kathleen Jean Forbes