Sinabi ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia na malaki ang magiging papel ng resulta ng mga boto ng local absentee voters sa paghalal ng mga senador at party-list groups.
Inihalimbawa ni Garcia ang nangyari noong 2007 o 2010, kung saan 10,000 lamang ang lamang ng number 12 sa number 13 sa senatorial candidates.
Kaya’t magiging kritikal aniya ang mahigit 57,000 boto ng local absentee voters dahil maaari itong magpanalo sa isang kandidato para sa ika-12 puwesto sa Senado.
Ayon kay Garcia, kritikal din ang resulta ng naturang mga boto para sa party-list, lalo’t kinakailangan maabot ang 2% threshold ng mga boto para makakuha ng isang puwesto sa Kongreso.
Inaasahan ng COMELEC na mapapantayan pa ang 88% voter’s turnout noong nakaraang halalan ng mga local absentee voters ngayong 2025 elections. | ulat ni Lorenz Tanjoco