Iminungkahi ni House Committee on Civil Service and Professional Regulation Chair at Bohol Rep. Alexie Tutot na dapat ipagkatiwala sa Katarungang Pambarangay ang mga kaso ng bullying, pananakit, at iba pang krisis sa loob ng mga paaralan.
Ayon sa kanya, hindi sapat ang kakayahan at pagsasanay ng mga prinsipal at guro upang harapin ang mga ganitong sitwasyon.
Dagdag pa niya, kinakailangan ng patuloy na professional education para sa mga guro, prinsipal, at maging ang mga non-teaching personnel upang mas maayos nilang matugunan ang mga krisis sa eskwelahan.
Isa rin sa mga isyung binigyang-diin ay ang kakulangan ng mga paaralan sa child protection policies at committees.
Aniya, kakaunti lamang ang mayroong ganitong mga mekanismo, at ito ay isang malaking kakulangan sa pagpapatupad ng batas ukol sa proteksyon ng mga bata.
Naniniwala rin siya na mas angkop ang mga barangay sa paghawak ng mga kasong kinasasangkutan ng mga kabataang lumalabag sa batas, sa halip na ipasa ito sa mga prinsipal ng paaralan.
Iminungkahi rin niya na ilagay ang mga school clinics sa ilalim ng magkatuwang na pamamahala ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang masiguro ang sapat na tauhan, kagamitan, at suplay para sa mga mag-aaral. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes