Nababahala ang National Security Council (NSC) sa resulta ng forensic investigation ng Philippine Navy sa 5 submersible drone na nakuha sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay NSC Assistant Director General, USec. Jonathan Malaya, indikasyon nito na pinag-aralan na ng China ang kailaliman ng mga karagatan ng Pilipinas.
Una nang kinumpirma ng Philippine Navy na nasa 55 hanggang 80 porsyento ang tsansang nagmula sa China ang mga naturang underwater drone at nakapagpapadala ito ng datos sa Beijing.
Bagaman scientific at commercial ang pakay ng mga nakolektang datos mula sa nabanggit na mga underwater drone, hindi naman isinasantabi ng AFP na mayroon din itong military application.
Pero para kay Malaya, senyales din ito na maaaring maging banta ito sa pambansang seguridad kaya’t dapat lamang dalasan ng Pilipinas ang pagpapatrulya sa karagatan at maging mapagmatyag. | ulat ni Jaymark Dagala