Giniit ni Senador Lito Lapid na hindi lang kawalan para sa Simbahang Katolika ang pagpanaw ni Pope Francis, kundi maging sa sangkatauhan.
Ito ang pahayag ng senador kasabay ng pakikidalamhati sa pagpanaw ng Santo Papa.
Pinunto ni Lapid na ang mensahe ni Pope Francis ng inklusibong pag-ibig at pananampalataya ay umantig sa lahat, bukod pa sa mga Katoliko.
Aniya, ang pinakamainam na pag-alala sa namayapang Santo Papa ay ang panatilihin, ingatan, at isabuhay ang kanyang mga naging mensahe at aral.
Nagpahayag rin ng pakikiramay sa pagpanaw ng Santo Papa si Senador Christopher ‘Bong’ Go.
Hinikayat ni Go ang mga Pilipino na gawing inspirasyon ang naging buhay at mga turo ni Pope Francis, lalo na pagdating sa pagtutulungan, pagmamalasakit, at pagseserbisyo.
Umaasa ang senador na ang mga adbokasiya ni Pope Francis ay magiging inspirasyon sa ating lahat para sa pagbubuo ng mas mainam na mundo, lalo na para sa mga mahihirap, nangangailangan, at mga nawawalan na ng pag-asa. | ulat ni Nimfa Asuncion