Malaki ang pasasalamat ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa paglagda ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. sa RA 12160 o ang Philippine Islamic Burial Act.
Bilang pangunahing may-akda ng panukala, binigyang-diin ni Adiong ang kahalagahan ng batas na ito sa kanilang mga Muslim, salig na rin sa tradisyon ng Islam na agad mailibing ang yumao nilang mahal sa buhay.
“We thank President Marcos for recognizing the importance of safeguarding the religious rights of Filipino Muslims, even in death. The enactment of RA 12160 honors our sacred duty to ensure the proper and timely burial of our deceased loved ones,” sabi ni Adiong.
Salig sa batas, minamandato na mailibing agad ang labi ng namayapa sa lalong madaling panahon o sa loob ng 24 oras.
Mahalagang probisyon ng batas ang pagbabawal sa mga ospital, medical clinic, punerarya, morgue, custodial o prison facility, at mga katulad na pasilidad na hindi agad mailabas ang labi dahil lang sa hindi pa nababayaran ang mga obligasyon nito.
Nagpasalamat din si Adiong sa mga kasamahan sa Kongreso para sa pagsasakatuparan ng batas.
“This law is a product of collaborative leadership and mutual respect. I thank my fellow legislators for their compassion and commitment to inclusive policymaking that truly reflects the needs of our people,” diin niya.
Hindi lang din, aniya, basta legislative milestone ang pagsasabatas nito, ngunit isang mabigat na testamento ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba.
“This is more than a policy — it is a reaffirmation of our right to religious freedom and cultural dignity. With this law, we take a meaningful step toward a more just, inclusive, and compassionate nation,” pagtatapos ng kinatawan. | ulat ni Kathleen Forbes