Kinondena ni Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones Chair at Senate Majority Leader Francis Tolentino ang napaulat na pag-agaw ng China Coast Guard sa Sandy Cay.
Ayon kay Tolentino, isa itong malinaw na paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas dahil malinaw na nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas ang Sandy Cay alinsunod na rin sa Internation Law.
Giit ng senador, hindi dapat palampasin ang ganitong pang-aabuso at kailangang maghain ng pinakamalakas na diplomatikong protesta at palakasin rin ang depensa natin sa West Philippine Sea.
Hinikayat naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang alamin ang katotohanan tungkol sa sitwasyon lalo’t banta ito sa soberanya at seguridad ng bansa.
Pinunto ni Estrada na kung mapapatunayang hindi totoo ang ulat ay magpapatunay lang ito ng isa na namang pagtangka na baliin ang realidad at magpakalat ng fake news.
Dapat aniyang tiyakin na anumang aksyon na lumalabag sa territorial integrity ng bansa ay matutugunan sa lalong madaling panahon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion