Bubuo na rin ng Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) sa national level ang pamahalaan na tututok sa mas mabilis na pagresponde tuwing makakaranas ng matinding sakuna o kalamidad sa Pilipinas.
Ang PEMAT ay binubuo ng iba’t ibang medical expert at personnel na highly trained at classified ng World Health Organization (WHO), upang magbigay ng assistance sa mga lugar na biktima ng matinding kalamidad.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na sa kasalukuyan, mayroong tatlong PEMAT ang Pilipinas — partikular mula sa Eastern Visayas, Central Luzon, at Metro Manila.
Pagbibigay-diin ng kalihim, makatutulong ang pagkakaroon ng isang national team upang mas mapabilis ang deployment ng mga tauhan at ekspertong reresponde sa mga sakunang nangyayari sa bansa.
Paghahanda na rin aniya ito sa mga inaasahang bagyo sa tag-ulan, maging sa pinangangambahang “The Big One.”
Ayon sa kalihim, mayroon pang dine-develop na PEMAT sa Southern Philippines Medical Center sa Davao at Cotabato Regional Medical Center sa Mindanao.
Kung matatandaan, ipinadala ng Pilipinas ang team na ito sa Myanmar upang magbigay ng tulong medikal at emergency response sa mga biktima ng pagtama ng malakas na lindol doon. | ulat ni Racquel Bayan