Inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) ang pagbuo ng specialized desk na tututok sa mga kidnapping incident, kasunod ng pangamba ng Chinese-Filipino community.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni PNP Major General Roderick Alba na nagpulong na ang kanilang hanay at ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) upang ilatag ang mga hakbang para protektahan ang mga Filipino-Chinese sa bansa laban sa banta ng krimen at karahasan.
“And amidst this ongoing investigation, they asked kung ano pong pupuwedeng maitutulong ng kanilang Chamber – remember that they have 170 Chambers from Aparri to Jolo, and they can really help ‘no sa peace and order,” ani Gen. Alba.
Paliwanag ng opisyal, inirekomenda ng pulisya ang pagtatatag ng PNP Chinese-Filipino Community (PCFC) Help Desk na magsisilbing sumbungan ng komunidad.
Ang help desk na ito rin ang tututok sa pagbuo ng mga proyekto at aktibidad na makatutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa naturang sektor.
Magpapatupad aniya ng pilot test ng help desk sa mga lugar na mataas ang populasyon ng Filipino-Chinese — halimbawa sa Binondo, Maynila; Central Luzon; Cebu; Davao; at Iloilo.
“Now if we see that magiging successful iyong project na ito, po ay ito pong long-term, isa sa mga long-term solution or interventions ng PNP na ma-address po natin iyong mga incidents na ganito po,” dagdag ni Gen. Alba.
Pagsisiguro ng opisyal, magpapatuloy ang mga operasyon ng pulisya laban sa krimen at ang pagsasaayos ng PNP Anti-Kidnapping Group upang masugpo ang mga kaso at grupong nasa likod ng mga kidnapping.
“Mayroon pong tumututok na Special Investigation Task Group sa reported kidnapping incidents, but of course, we cannot compromise other security aspects noong ating bansa, especially lalo na sa Lenten Season at itong ating patuloy na pagtulong sa ating Commission on Elections sa pagpapanatili ng peace and order during this election period,” pahayag pa ni Gen. Alba. | ulat ni Racquel Bayan